Sunday, August 1, 2010

HOURIEA

Lugar: Dumaguete City
Panahon: Kasalukuyan
Mga Tauhan:
Cat, isang college instructor sa isang colegio sa Mindanao at kasalukuyang graduate student ng isang unibersidad. Idad sa pagitan ng 35 at 45.
Elaine, isang Manilenya, graduating student ng unibersidad ding pinapasokan ni Cat.
Bibing, asawa ni Cat, may sakit na kanser.
Mat, isang law student ng unibersidad ding pinapasokan nina Elaine at Cat.
Propesor, isang Amerikanong propesor ng panitikan ng unibersidad ding pinapasukan ni Elaine at Cat.
Doktor, specialista sa kanser.
Aling Leny, nanay ni Elaine.
Xerox Clerk.
(Fade in ng camera sa salas ng apartment, magsisimula sa mga simpleng kagamitan tulad ng sala set na gawa sa kawayan, tutuloy ang tutok ng camera sa loob ng washing machine na kasalukyang umaandar. Balik ulit ang tutok ng camera sa salas at saka hihinto kay Cat na nasa harap ng computer. Patagilid ang tutok sa kanya ng camera at saka ibabaling ang camera sa monitor ng computer na nakabukas sa Encarta. Palipat-lipat ng paksa mula kay George Bernard Shaw na siyang may akda ng dulang Pygmalion at sa paksa ng colon cancer at kay Pygmalion na siyang may likha kay Galatea. Babasahin ni Cat ang paksang ito hanggang sa mabuo ang isang tanawin sa loob ng isipan ni Cat. Magkakaroon ng hugis ng isang babaeng (si Elaine) kasinlabo ng isang panaginip. Ilang sandali lilinaw ang tanawin ng bahagyang bahagya lamang at saka muling babalik sa ganap na kalaboan. Pagkatapos ay maglalaho ng tuloyan sa pagkakayanig ng monitor ng computer dahil sa pagvibrate ng kanyang cellphone na nasa ilalim ng monitor. Si Bibing, ang asawa ni Cat ang tumatawag.)
Cat. Hello Bing...Hindi pa...Baka sa isang Sabado...Oo, sa isang Sabadong darating...Oh, ikaw naman, may time pa ba ako n'yan...Sige ikaw…OO, sa Sabado, Sige ba-bye miss you Bing.
(Mag-aalas sais ng gabi, mag-aagaw ang dilim at liwanag. Tututok ang camera ng malayuan sa isang squatter area sa bahaging kanluran ng lungsod upang masulyapan ang pagkukulay kahil ang papawirin sa ibabaw ng mga barung-barong. Unti-unti, lilipat ang tutok ng camera sa dalampasigan ng isang Boulevard na nasa tabing dagat kung saan ang mga mumunting alon ay bigo sa kanilang pagpupumilit na doon sumabog sa mga pa ng mga taong naglalakad sa buhanginan. Tuloy ang tutok ng camera sa isang sinaunang gusali ng unibersidad na dating tirahan ng isang Amerikanong siyang nagtatag ng unibesidad na ngayo'y ginagamit na lamang ng pamantasan bilang anthropological museum. Babaybay ang tutok ng camera sa isang kalyeng punong acasia ang isang tabi, liliko ang tutok nito pakanan, papasok sa campus ng unibersidad. Saglit na tutok ng camera sa mga pigurang hugis i na siyang nagsasagisag ng pamantasan. Tutuloy ang tutok ng camera sa isa ring sinaunang gusali hanggang sa hahantong ang tutok ng camera sa isang silid-aralan nito kung saan papatapos ang pagkaklase ng Amerikano propesor.
Propesor. Before I let you go, secure copies of the next play Sakontala. (Magsisimulang maglabasan ang mga estudiante, sabay na tatayo sina Cat at Elaine.) Come back on Friday.
Elaine. Di ko pa type umuwi, maiinip lang ako sa boarding house.
Cat. Library na lang muna tayo, may oras pa.
Elaine. Anong gagawin natin doon? (Sabay na maglalakad ang dalawa papalabas ng silid at ng gusali.)
Cat. Di kukuha ng kopya ng Sakontala.
Elaine. Magpapakahirap ka pa...dian ka na kumuha sa mimeographer.
Cat. Ayoko doon, maraming mali.
Elaine. Wala akong gagawin sa boarding house.
Cat. Sumama ka na nga e, para mabasa mo ang play.
Elaine. Ito naman pahihirapan ko pang sarili ko e, electives ko lang naman ito. Maski pasang awa walang problema. Kodigo na lang ako o kaya kopya na lang ako sa'yo sa mga quizes at exams.
Cat. Ikaw, electives mo lang, e, ako?
Elaine. H'wag mo ngang pinag-iintindi ang mga ganyan. Du'n muna tayo.
(Sa isang Fastfood)
Elaine. Ngayon ko lang naitanong sa'yo to...
Cat. ...ano? Ang alin?
Elaine. Ba't ka ba inabot ng ganyang idad?
Cat. Buhay pa ako?
Elaine. Inabot ka ng ganyang idad, binata ka pa?
Cat. May nasabi ba ako sa iyo na binata ako?
Elaine. E, di may asawa ka?
Cat. Anong gagawin mo pagka-graduate mo?
Elaine. Ini-iba mo naman ang usapan e. Baka babalik ako rito.
Cat. Ano pang gagawin mo rito e, graduate ka na?
Elaine. Mag-M.A. din ako.
Cat. Baka hindi mo na ako gaanong makikita sa university next year.
Elaine. Ano?
Cat. Baka magsusulat na ako ng thesis ko.
Elaine. Ganun?
Cat. Oo, ganun. Pero babalik-balik pa naman ako rito. H'wag kang malulungkot sabi ko naman sa'yo babalik-balik din ako rito.
Elaine. Iba yong palagian tayong nagkikita. Kung saan-saan mo ako dinadala, sasabihin mo h'wag akong malungkot. Kahit ba may asawa ka o ano ka, malulungkot pa rin ako pag wala ka at hindi na kita gaanong nakikita.
Cat. Baka naman kaya ka malulungkot e dahil wala nang maglilibre sa'yo.
Elaine. Hindi Cat, bukod pa roon sa lagi mo akong nililibre, umibig na rin ako sa'yo maski pa malayo ang agwat ng idad mo sa'kin.
Cat. Dalian mo na kaya at uuwi ako ng maaga-aga. Babalik pa ako sa library bago ako uuwi, madami pa akong labahin.
Elaine. Maglalakad na naman tayo?
Cat. Oo, sasakay ka pa e ang lapit lapit lang. Sama ka na kasi sa layb?
(Sa anino ng mga punong acasia maglalakad ang dalawa. Tututok ang camera sa kanilang paglapit at paglagpas sa mga estudianteng nag-uumpokan sa kanilang daadan hanggang sa sapitin nilang dalawa ang pinto ng library. Saglit na ipapakita sa clerk ang kanilang mga I.D. saka tutuloy sa isang bakanteng computer para sa katalogo ng dulang hahanapin. May ilang sandaling uupo si Cat roon, nasa kanyang likuran si Elaine, makikitingin sa screen ng computer, nakahawak ang kamay sa sandalan ng upuan. Isusulat ni Cat sa kanyang palad ang katalogo saka tatayo.)
Cat. 'Lika na.
(Sabay na aakyat ang dalawa sa malawak na hagdanan patungong circulation section ng aklatan. Saglit na mawawala sa camera ang dalawa sa likod ng mga shelves roon. Balik ang tutok ng camera sa kanilang dalawa, close-up sa mga libro sa kanilang harapan habang lumalakad ang kanilang mga paningin sa katalogo ng mg libro at sa katalogong nakasulat sa palad ni Cat. Hihilahin ng kamay ni Cat ang libro, bubuksan at hahanapin ang dulang Sakontaa at pagkahanap lalabas ang dalawa papunta sa mga xerox machines. Papasyal-pasyal si Elaine sa mga naka-cabinet na mga librong bigay ng mga yuamaong may mga katungkulan sa unibersidad. Lipat ang tutok ng camera sa pila sa xrox kung saan naroroon si Cat.
Cat. Mula rito hanggang dito, tigalawa. (rirepasohin ng clerk ang mga pahinang tinutukoy at saka ito magsisimula. Naghihintay na si Elaine sa likuran ni Cat.)
Elaine. Tapos na? (Pagkalipas ng ilang minuto.)
Xerox Clerk. Heto na po, 38 pieces lahat, 19 pesos lang po ang babayaran n'yo. (Magbibilang ng bariya si Cat mula sa kanyang coin purse at i-aabot sa xerox clerk.)
(Muling maglalakad ang dalawa sa kanilang dinaanan kanina hanggang sa sapitin nila ang gate.)
Cat. Wala kang balak sumama?
Elaine. (Magkukunwari) Wala.
Cat. Baka gusto mong magbalak na dahil ako balak kong ikaw ang paglulutuin ko habang naglalaba ako.
Elaine. Sige na nga. Daan muna kaya tayo sa boarding house ko. Kukunin kong mga labahin ko, isasabay ko na rin. (Hihinto ang isang traisikel sa kanilang harapan. Tututok ang camera sa kanila pag-akyat at paglulan, aandar at mawawala ang traisikelpagliko sa isang kanto.)
Sa apartment ni Cat.
Elaine. Ikaw na kaya ang magluto Cat.
Cat. Ikaw na kaya lahat (Pabiro.) Babasahin ko na ang Sakontala. (Magbabago ang isip.) Hindi, ilagay mo na kaya ang labahin sa washing, sabawan mo, lagyan mo ng sabon, paandarin mo. Andian lang ang sabon. Ilabas mo na tuloy ang konting karne sa ref, babad mo para madaling mag-thaw.
Elaine. Ako na kaya lahat?
Cat. H'wag naman. Ako na ang magbaanlaw para di ka lugi.
Elaine. Hindi na, sige na, ako na lahat. (Sa pagkoconcentrate ni Cat sa kanyang pagbabasa, ilang sandaling hindi sila makaka-imik.) Di kaya para mo na akong asawa nito?
Cat. Anong asawa? Katulong. Pero parang ganun na nga siguro.
Elaine. Na ano...?
Cat. ...asawa.
Elaine. Akala ko katulong. Ang dami naman nitong labahan mo. Ilang linggo ka bang hindi nakapaglaba?
Cat. Dinagdag mo pa kasing labahin mo. (Tatayo si Cat, lalakad patungo kay Elaine na nakaharap sa washing machine.)
Elaine. (Magugulat sa biglang pagyakap sa kanya ni Cat, gagapang ang kanyang kamay sa puson ni Elaine) Akala ko ba paglalabahin mo ako (sabay ikot upang harapin si Cat.)
Cat. Mamaya na kaya yan.
Elaine. Papa'nong hapunan natin?
Cat. Padeliver na lang tayo. (Maglalapat ang kanilang mga labi, hahantong sa bed scene hanggang sa tutunog ang doorbell ng pinto sa pagdating ng pinadideliver na pagkain. Babangon si Cat, dali-daling magusuot ng short, tutungohin ang pinto, bubuksan at tatanggapin at magbabayad at saka isasarang muli ang pinto.)
Sa isang pier, pasado alas otso ng gabi
(Mangilan-ngilang tao ang naghihintay sa loob ng pier, hinihintay ang pagdaung ng barkong galing sa kabilang isla. Tatayo si Elaine sa may di kalayuan, nakatuon ang paningin sa barkong kasalukuyang minamaniobrang ididikit sa pantalan. Hahanapin ng paningin ni Elaine si Cat sa pila ng mga pasaherong nakaamba nang bumada. Atubiling kakaway si Elaine sa direksiyon ng isang pasaherong wari niya'y si Cat. Tutok ang camera kay Cat habang papalapit siya sa kinatatayuang ni Elaine.)
Elaine. Hoy!
Cat. Andian ka lang pala. (Sasabay sa paglalakad si Elaine.)
Elaine. Hindi mo naman kasi ako hinanap ng iyong paningin eh, parang hindi mo inaasahang sasalubong ako.
Cat. Nakakuha ka na ng kopya?
Elaine. Yan na kaagad ang pag-uusapan natin? Balitaan mo muna ako sa lakad mo.
Cat. Kailangan Len, pag hindi umabot ng 90 ang grade ko baka masipa ako sa university. Noong isang semester, baka akala mo, may isang subject na ako na hindi umabot ng 90 sa kakagimik natin.
Elaine. Walang sisihan naman, Cat.
Cat. Hindi kita sinisisi, kagagawan nating dalawa ito.
Elaine. Hindi mo ba ako pasasamahin sa apartment ngayon?
Cat. Ikaw.
Elaine. Anong ako?
Cat. Ikaw ang bahala kung sasama ka. Pero h'wag na mun kaya, pagod ako sa biyahe. Daan na lang tayo dian sa Expresso kain tayo ng haponan baka di ka pa kumakain. Miss din kasi kita kaya maski magkakagastos sa kakalibre ko sa'yo ok lang magkasama lang tayo kahit sandali.
Elaine. Ano nga, pagud ka? Pag sumama ba ako sa apartment mo ganun na kaagad. (Isisinyas ang interpretasyon ng ibig sabihin ng sinabing salita.)
Cat. E, anong malay ko ba sa iniisip mo ngayon.
Elaine. Iniisip na ano.
Cat. Wala, wala, kalimutan na yon.
(Sasapitin ng dalawa ang Expresso, uupo sa isang mesang pandalawahan na nasa isang tago na sulok. Lalapit ang isang waitress para kunin ang kanilang order.)
Elaine. Maganda bang lugar n'yo?
Cat. Kung sa ganda, syempre lugar ko yon maski pa hindi mo maihahambing sa Maynila mo ang lugar ko.
Elaine. Ba't ka nga ba umuwi?
Cat. Kailangan kong magpakita sa school ko from time to time, pinagrereport ako ng dean ko.
Elaine. Sa susunod na pasukan ba talagang wala ka na?
Cat. Ganito na lang Len, kung talagang balak mong mag M.A. mag enrol ka. Total sabi ko naman sa'yo pupunta-punta pa rin naman ako rito. May cellphone naman eh, text ka, text tayo. Magkakaalaman tayo kung kelan kita mapupuntahan.
Elaine. Hmm, text ako nang text sa'yo, di ka sumasagot. Panay ang miscall ko di o sinasagot hanggang sa naging unattended.
(Dadating ang waitress, saglit na papask sa tutok ng camera at muling mawawala paglapag sa mesa ng kanilang inorder na pagkain.)
Cat. Nasa bulsa ko lang kasi ang cellphone ko sa pantalon ko sa kwarto. Lobat nuong iwan ko hanggang sa nag-empty. Maiba tayo, yong apartment gusto mong saluhin, ikaw na ang tumira?
Elaine. Baka. Pag-iisipan ko pa. 'Di pa naman kasi buo ang loob ko kung babalik nga ako rito.
Cat. Dahil ba wala na ako next sem?
Elaine. Parang ganun na nga rin siguro.
Cat. Bukas makalawa puntahan natin ang may-ari sakaling makapag decide ka. Hanggang July pa ang bayad nun.
Elaine. Hindi mo ba talaga ako isasama ngayon?
Cat. Sige na, sama ka na kung gusto mong sumama. Oy, yong apartment baka 'kala mo may kalapitan ng konti sa sementerio yon ha.
Elaine. Ano namang kinalaman nuon?
Cat. E syempre doon ka titira kung sakasakali. Baka mamaya nadiskubre mo murahin mo pa ako ng di ko nalalaman, kesyo tumira ako malapit sa sementerio. Dali-an mo na kaya yang kinakain mo't gusto ko nang humilata talaga sa pagod.
Elaine. E, ba't doon ka ba tumira?
Cat. Walang makuhang iba e. (Sa waitress) Miss, chit namin.
Sa loob ng datin sild-aralan ng unibersidad, kasalukyang nagkaklase ang Amerikano propesor, Pygmalion ang dulang tinatalakay. Kagaya ng dati magkatabing naka-upo sina Cat at Elaine.
Propesor. We will be watching the move before we read the play. Just one trivial question, you have any idea why Bernard Shaw titled this play Pygmalion.
(Mahinang siniko ni Cat si Elaine, uutosang itaas ang kamay.)
Cat. (Pabulong) Taas mong kamay mo, isusulat ko rito ang isasagot mo.
Propesor. Yes, Miss Fuentez.
Elaine. Maybe...he modeled...his play...to the story...about Pygmalion...that fellow who...carved an ivory...into a a statue...of a beautiful...woman and the...statue became a...real woman, beautiful.
Propesor. You reading something?
Elaine. Yeah, I wrote down here first what I want to say. (Itataas ang kopya ng dula kung saan sinulat ni Cat ang kanyang isasagot.)
Propesor. Alright. (Sa buong klase) After we watch the movie and after we read the play, we will see how true this lady's answer is. (Magiging abala ang Propesor sa tv at cd player upang masimula'ng ipalabas ang sine. Uupo sa isang sulok ang Propesor malayo kena Cat at Elaine. Iba ang pagkaka-abalahan ni Cat at Elaine, mag-uusap sa pamamagitan ng pagsusulat ng kanilang mga salita sa kopya ng dulang tinatalakay. Tutok ang caera sa kamay ni Elaine na nagsusulat ng kanyang sasabihin kay Cat. Kakalabitin niya si Cat para mapansin ang kanyang sinulat doon.)
Elaine. (3days na.)
Cat. (Anong 3days)
Elaine. (3days na akong delayed)
(Lilipat ang tutok ng camera sa nababahalang mukha ni Cat ilang sandali bago sundan ng camera ang kanyang kamay na susulat ng kanyang isasagot.)
Cat. (Ano?)
(Steady ang camera sa kopya ng dula, papalit-palit ang kamay nina Cat at Elaine sa pagsusulat.)
Elaine. (Papa'no kung buntis ako?)
Cat. (Sana hindi, sana delayed lang.)
Elaine. (Sana nga. 'Di ka ba matutuwa kung saka-sakali?)
Cat. (Did we want na magbuntis ka?)
Elaine. (Syempre hindi, pero we both knew na yon ang maging consequence. Teka nga muna, bakit ba ganyan ang sagot mo?)
Cat. (Wala akong ibig sabihin, pero sana hindi muna ngayon.)
Elaine. (E, papa'no nga kung nandito na 'to?)
Cat. (Sa panahon pa kasing maglalayo tayo, saka naman 'andian yan.)
Elaine. ('Di h'wag kang aalis, h'wag mo akong iwan.)
(Ilang sandaling mapapatigil ang kamay ni Cat sa kopya ng dula na walang naisulat. Tutok ng camera sa balisang mukha ni Cat, lipat kay Elaine at sa buong silid-aralan at saka muling babalik kay Cat na nasa kopya pa rin ng dula ang kamay, hawak ang ballpen.)
Cat. (Usap tayo mamaya.)
(Babaling ang camera sa buong silid-aralan, sa TV, hanggang sa magwakas ang palabas. Tutunog ang higanteng kalembang ng unibersidad hudyat ng pagtatapos ng klase. Magtatayuan ang mga estudiante, camera kay Elaine na nauang tumayo at saglit na maghihintay sa may pintuan. Mabigat ang katawan ni Cat na tatayo, wala interes makarating sa kinatatayuan ni Elaine at sa ano pang salitang nalalabing sabihin sa kanya ni Elaine.)
Elaine. Ano? Papa'no?
Cat. Anong ano? Anong papa'no? Sabi ko naman mapag-uusapan din natin yan.
Elaine. Sa totoo lang Cat, walang problema sa'kin pag-uusapan pa natin 'to o hindi.
Cat. Wala akong sinasabing ganun. (Lalakad ang dalawa papalabas ng silid-aralan. Susundan sila ng tutok ng camera hanggang sa sila ay makarating sa gate papalabas ng campus.) Ganun man ang naging reaction ko, wala akong ibig sabihing iba, nabigla lang ako, dumarating pati ang finals.
(Magka-ibang traisikel ang kanilang masasakyan, mauunang makakasakay si Cat. Susundan siya ng tingin ni Elaine ngunit bigo siya sa kanyang inaasahang lilingunin siya ni Cat.)
Sa clinic ng isang doktor sa loob ng isang ospital.
Cat. Dok, good morning.
Doktor. Good morning. Matagal n'yo na bang napansin ito?
Cat. Walang binabanggit sa'kin ang misis ko Dok maliban noong nagsimula na siyang mahirapang dumumi.
Doktor. Ganito na lang, (ikakatok ng Doktor ang kanyang kamao ng pataob sa ibabaw ng kanyang mesa) h'wag naman sana.
Cat. Papa'nong mga ganung kaso Dok, nakukuha pa ba sa opera ang ganito?
Doktor. Kung ako, hindio ako magrerekomenda sa'yo ng opera. Ayokong lalabas na gusto lamang kitang kwartahan. Hangga't maari ayokong nagkakagasto ang mga patiente ko. Hindi solusyon ang operasyon sa ganitong karamdaman. Masisira lang ang quality of life sa nalalabing mga araw ng iyong asawa kung iyon man 'yong hinala ko.
Cat. Masisirang papa'no Dok?
Doktor. Once na na-opera ang misis mo, ang sabi mo hirap siyang dumumi, which means nandian lang sa large intestine o baka 'andian mismo sa kanyang tumbong nagsimulang tumubo ang sakit n'ya. Once na na-opera ang misis mo, magdadala siya sa kanyang baywang for the rest of the remaining days of her life ng colostomy bag. Pati ikaw, madadagdagan ang iyong paghihirap dahil natural walang ibang magtatapon ng laman ng colostomy bag pag napupuno kundi ikaw.
Cat. Colostomy bag Dok?
Doktor. Yon yong paglalagyan ng dumi ng misis mo dahil doon na mapuupunta ang dumi ng misis mo pag naoperahan siya.
Cat. Ganun po ba yon?
Doktor. Sa opera baka iikli lang ang buhay ng misis mo. Baka duon mismo sa operating table madigrasya ang misis mo. Or maari siyang ma-ICU, pagkatapos ng operasyon. Baka akala mo magkano per day sa ICU, mura na yong P7,500 baka isang milyon kukulangin. At kung halimbawa magiging successful ang operasion natural pupunta punta ka pa rin dito, magpapakemo ng misis mo dahil useless ang opera kung di mo ipapakemo. Laking abala sa'yo yon, sa inyong dalawa, lalo na sa kanya dahil siya yong may sakit.
Cat. Ganun ba yon Dok?
Doktor. Oo ganun yon.
Cat. Dok, salamat.
Sa Apartment ni Cat.
Elaine. Ano nga bang tunay na dahilan bakit hindi mo ako pinapunta rito noong isang linggo?
Cat. 'Di ba sabi ko sa'yo magpafinals na; nang makapconcentrate naman tayo. Baka masipa nga ako sa university.
Elaine. Alam mo Cat, wala namang problema sa akin pakikisamahan mo man ako o hindi, pananagutan mo man itong dinadala ko o hindi. Ano ba, ganun ka ba talaga?
Cat. Na ano?
Elaine. Na kung sinu-sinong babae ang dinadala mo rito.
Cat. Babae?
Elaine. Oo, babae.
Cat. Ano bang pinagsasabi mo? (Flashback noong mga sandaling nasa apartment si Bibing, pagkagaling makunan ng tissue sample sa isang clinic)
Elaine. Maang-maangan ka lang. E, ano ba yong natuyong dugo roon sa upuan ng inuduro? Ganun ka ba talaga? Likas ba sa'yo ang pagkababaero mo at isa lamang ako sa naging babae mo?
Cat. Ipagpalagay na natin na babae ko yon, at isa ka sa naging babae ko, sino bang nagpasimula ng lahat na ito, di ba ikaw?
Elaine. Ang alin, itong relasyon natin?
Cat. Oo, itong relasyon natin.
Elaine. Pap'ano naging ako?
Cat. Di ba doon ka umuupo sa gitna ng tatlong bakanteng upuan sa pinakalikod para tiyak na makakatabi mo ako ng upo sa kaliwa man o sa kanan ako uupo?
Elaine. At bakit parang sinasadyang mong lagi kang nali-late sa subject na 'yon?
(Mawawala ang tono ng pag-aaway pagkatapos ng ilang saglit na katahimikan.)
Cat. Kapwa lang tayo dumidiskarte Len.
Elaine. Papano 'to? (Ihahawak ni Elaine ang isang kamay sa kanyang puson.)
Cat. (Bahagyang ngingiti.) Akala ko ba walang problema sa iyo pananagutan ko man yan o hindi.
Elaine. Pinuproblema ko na ngayon.
Cat. Sabi ko naman sa'yo mapag-uusapan din natin yan. Di pa naman halata eh. Oy, baka Martes pa lang next week uuwi na ako.
Elaine. Papa'nong exams mo?
Cat. Pinakiusapan ko na lahat ng propesor ko. Pati yong sa atin, through email na lang ang submission pati paper requirements. Martes ng umaga ko makukuha ang test question sa subject natin. Kinahaponan sasakay na ako pauwi ng amin. Kelangan kong makapagreport kinabukasan.
Elaine. Xerox mo ako ng test question
Cat. Oo, ikaw pa, yang mandaraya mong yan. Pero iba ang magiging questions sigurao ninyo. Pero di bale, xerox pa rin kita.
Elaine. Kailan ka makakabalik rito?
Cat. Baka sa enrolment na next year, ewan ko di ko matiyak.
Elaine. May ii-enrol ka pa?
Cat. Oo mayroon pa, thesis writing. Pero makapag-enrol lang ako kung wala akong bagsak nagyong sem na ito. May bagsak na akong isa noong nakaraang sem. Di naman bagsak actually, di lang uimabot sa standard pero parang bagsak na rin. Depende sa sasabihin ng department chairman. Ang hirap pa naman kausap noon, ang sungit, palibhasa matandang dalaga. Ikaw papa'no ka? Tiyakin mong makapag-enrol next year ha.
Elaine. Mag-law na lang kaya ako.
Cat. Ganito na lang, magenrol ka na next year, law o M.A. total may babalikan pa naman ako rito kahit pap'ano. 'Di ko lang matiyak kung pag-ienrolin nga ako. Syempre, natural, sasaluhin mo 'kamo itong apartment, alam ko saan kita pupuntahan. Yan ay kung talagang decidido kang mag-law o mag-M.A. At kung interesado ka pa na magkita tayo.
Elaine. Kaya ko nga binalak ang ganun para magkita pa rin tayo dahil pananagutin kita nito (ituturo ni Nicole ang kanyang kamay)
Cat. Oo, pananagutan ko yan, hindi kita lalayasan. Pahawak. (ililigid ni Cat angkanyang kamay sa tiyan ni Elaine ng pahaplos. Wala pa naman ah, (Lilipat sa bandang ibaba ang kanyang kamay.) Ito, laging nandito. Padeliver na lang tayo ng hapunan?
Elaine. Ikaw? Teka nga muna, ano muna yong tanong ko kanina, sagutin mo --- yong nasa iniduro. (Sa halip na sagutin ang tanong ay inilapat ang kanayang mga labi sa mga labi ni Elaine hanggang sa humantong sila natatanging gawain ng magsing-irog na ang minsan ay hindi sapat.)
Sa bahay ni Cat, pasado alas 5 ng hapon
(Maghihintay sa labas ang kanyang asawang si Bibing. Pagkatanaw na dumarating si Cat, papasok naman sa loob, sa salas, ang kanyang asawa at pagkabukas ng pinto sa pagpasok ni Cat, titingin si Bibing sa mga mata ni Cat at saka iiling, tatayo at papasok sa kanilang silid. Ilalapag ni Cat sa sofa ang mga dala-dalang mga bag, hahayaang manatili sa lapag ng sahig ang ang mga kahong pinaglagyan ng mga bahagi ng kanyang computer. Tamlay na maghuhubad ng sapatos si Cat, isisilid ang midyas sa sapatos at saka itutulak sa ilalim ng sofa. Pabagsak na isasandal ni Cat ang kanyang likod sa sandalan ng sofa, pag-abutin ang dalawang kamay sa likod ng batok at hindi malaman saan itutuon ang paningin, mapapabuntong hininga at iiling. Paglipas ang ilang sandali ay tatayo siya, tutungohin ang pinto ng kanilang silid, pipihit ang kanyang kamay sa door knob, papasok at dahan-dahang isasara na waring hindi ibig makalikha ng ingay.)
(Tatabi ng higa si Cat kay Bibing, tututok ang camera sa naglalaliman nitong mga pisngi. Urong ang tutok ng camera kay Bibing na nakaduster lamang atsaka unti-unting lilipat ang tutok ng camera sa mga binteng wala na ring lusog. Susuklayin ni Cat ang buhok ni Bibing ng kanyang palad mula noo pataas at pagkatapos ay pauunanin ni Cat ang ulo ng asawa sa kanyang kaliwang bisig habang idadagan ng pigil ang bigat ang kanang hita sa bandang tuhod ng kanyang asawa.
Bibing. Ano daw ba ang sakit ko Cat? (Tutok ng camera ng malapitan kay Cat na balisang hindi malaman ang isasagot. Lipat ang tutok ng camera pagkaraan ng ilang sandali sa imahe ng Divine Mercy na nakalagak sa isang mesetang ginawa ni Bibing na parang altar sa paanan ng kanilang higaan. Balik ang tutok ng camera sa mukha ni Cat at pagkatapos ay sa kanilang dalawa. Saglit na ilalapat ni Cat ang kanyang labi sa mga labi ng asawa lilipat ang kanyang halik sa bandang sulok ng mata at pagkatapos ay sa noo.) H'wag mo na lang kayang sabihin Cat, h'wag na rin nating pag-usapan.
Cat. (Mapapabuntong-hininga.) Mas mabuti pa nga siguro. Pero kung anong paniniwalaan ko na makakabuti sa iyo, paniwalaan mo rin. Ito may nirecita ang doktor. (Agad tutok ng camera sa hawak ni Cat nakapaketeng parang shampoo na ang tatak ay Fibrosine.)
Bibing. Ano daw ba yan?
Cat. Tutunawingdaw ito e, tapos iinumin mo. Sandali ha. (Iiwanan sandali ni Cat ang asawa tutungohin ang refrigerator, kukuha ng tubig gugupitin ana paketeng hawak na "gamot" isasalin sa bao, bubuhosan ng tubig, hahaluin ng kutsarita at saka lalakad balik sa kanilang silid.) Inumin mo ito ha.
Bibing. Ano daw ba yan?
Cat. Gamot nga daw e.
Bibing. Iinumin ko yan pero mangako ka munang hindi mo na muna ako iiwan; h'wag ka na munang babalik sa university mo.
Cat. Ano? Papa'no na ang pagtuturo ko n'yan? Tinataningan ako, kaming lahat na wala pang M.A. tinataningan kami ng dalawang taon para makuha ang M.A. namin. Kung hindi, pag-reresignin kami sa trabaho.
Bibing. Tinatangan ka ba? Papa'no ako kung may taning na rin ako. Kahit man lamang sa mga huling araw ng aking buhay gusto ko 'andian ka lang sa aking tabi.
Cat. Papa'nong trabaho ko?
Bibing. Mabuti ka nga trabaho mo lang ang pinoproblema mo. E, ako, kalusugan ko at buhay ko ang pinoproblema ko.
Cat. Bing, sweetheart,'kala ko ba'y hindi natin pag-uusapan ang kalagayan mo at karamdaman mo?
Bibing. Kaya nga e, paki-usapan mo ang dean mo, total nasa thesis writing kana 'kamo. Kung gusto mo banggitin mo sa kanila ang karamdaman ko. Papayag yan Cat, alam ko. Hahabain nila ang palugit nila sa M.A. mo.
Cat. O sige, sige, kakausapin ko bukas. Pero teka muna, baka ini-isip mong pag-leavin ako, hindi puede ha.
Bibing. Wala akong sinasabing ganun. Basta't nandito ka lang sa bahay tama na sa'kin yon.
Sa pila ng enrolment
(Nasa bandang gitna sa pila si Elaine, nasa kanyang likuran si Mat, dudukot ng cellphone sa kanyang bulsa a mag-titext.)
(Gagala ang aningin ni Elaine sa paligid, sa pier at sa mga barkong nakadaung doon na waring pinapangarap si Cat. Babalik ang kanyang paningin sa counter ng tanggapan ng registrar at muli sa paligid hanggang sa mapalingon siya kay Mat. Saglit na magsasalubong ang kanilang paningin. Ilang sandaling pag-aatubili ang lilipas bago magkaroon ng lakas ng loob si Mat na kausapin si Elaine.)
Mat. Hi
Elaine. Hi.
Mat. Puedeng makitext sa cell mo? Naubosan ako ng load e. Nasa bangko kasing kapatid ko, aapurahin ko lang. Kulang kasing pera ko, baka makarating na tayo sa counter nakakahiya. Pumila na kasi ako agad habang naghihintay ako sa brother ko.
Elaine. Ok, pero isa lang ha, wala na rin kasi akong load.
Mat. (Tutok ng camera kay Mat, malapitan sa cellphone pero hindi ipapakita ang sinusulat sa screen. Ilang sandali, isosoi ni Mat ang cellphone kay Elaine.) Thanks ha, malapit-lapit na tayo. Salamat uli ha.
Elaine. Ok. Nandito pa ang message mo?
Mat. Dinelete ko na. Thanks ulit ha.
Elaine. Ok.
Sa isang publikong sementerio
(Tutungohin ni Cat ang isang bagong nitso sa bandang looban ng libingan. Palipat-lipat siya ng tapak sa mga nitsong patung-patong ng walang kaayusan bago niya marating ang nitsong sadya.)
(Nakalaylay sa kanyang balikat ang isang travel bag na busog sa laman. Sa kanyang kamay, magkasamang hinahawakan ang tatlong pirasong ga-daliri sa laking mga kandila at isang bigkis ng bulaklak ng santan na sari-sari ang kulay na nakalagay sa boteng dating pinaglagyan ng mayonaise.)
(Tutok ng camera sa tinutungong nitsong malapit nang marating. Sandaling close-up sa larawan ng kanyang yumaong asawa na nasa ibabaw ng nitso. Ilalapag ni Cat sa nitso ang hawak niyang kandila at bulaklak at pagkatapos ay ititirik at sisindihan ang kandila sa tabi ng mga bulaklak. Bubulong si Cat ng ilang kataga ng panalangin at pagkatapos ay kukunin ang larawan ni Bibing na ngayo'y nagsisimulang nang kumupas.)
(May ilang sandali pa bago tatalikuran ni Cat ang nitso at pagkatapos ay muli niyang tatahakin ang kanyang dinaanan kanina. Sa kanyang pagdating sa may labasan ng sementerio, isang bus ang dumarating, paparahin at lululan. Tutok ng camera sa kanyang pag-akyat sa estrebo hanggang sa ang likuran na lamang ng bus ang makikita ng camera.)
Sa aparment ni Cat na ngayo'y si Elaine na ang nagungupahan.
(Tutunog ang cellphone ni Elaine sa pagdating ng isang text. Bigla ang tutok ng camera sa screen ng cellphone. Walang mensahe kundi "hi.")
Elaine. (Sa kanyang sarili.) Sino kaya ito? (Iiyak ang isang sanggol kung saan pansamantalang mababaling ang kanyang atensiyon.) Nay, kayo na nga po muna ang magpatahan kay baby, sasagutin ko lang po itong dumating na text.
Aling Leny. Ano na naman ba yang teksteks na yan? Baka lalaki na naman yan, madala ka na, puede ba.
Elaine. Hindi po. Lalaki nga po pero tungkol po sa school ito, kaklase ko po.
Aling Leny. Siguraduhin mo lang, baka disgrasia na naman ang abutin mo dian.
Elaine. Opo, hindi po.
(Camera kay Mat na nasa loob ng isang internet cafe at sa nayayanig na screen ng computer sa padating ng isang text message. Lipat ang tutok ng camera sa cellphone na nasa tabi ng keyboard. Tuloy ang tutok ng camera, close up sa screen nito at sa nai-type nang mensahe: SA PILA NG ENROLMENT, REMEMBER? NAKIGAMIT AKO NG CELL MO.)
(Camera kay Elaine na ngayong nakahiga katabi ang kanyang natutulog na sanggol habang nagbabasa ng librong kulay itim na kadalasang pabalat ng mga libro ng mga estudiante ng abugasiya. Bahagya siyang magugulat sa pag-vibrate ng kanyang cellphone na nasa bulsa ng kanyang short. Dudukotin ni Elaine ang cellphone, babasahin ang dumating na text at magtatype ng sagot.)
(Camera kay Mat na naka ambang itutulak ang pinto ng internet cafe, babasahin ang text na dumaing at idadial ang number ni Elaine.)
(Camera kay Elaine, tatayo mula sa pagkakahiga, lalakad patungong banyo at doon sasagotin ang tawag upang h'wag marinig ng kanyang ina. Hati ang screen, sa isang bahagi si Elaine at sa isa ay si Mat.
Elaine. Hello!
Mat. Busy ka yata at pinatawag mo ako.
Elaine. Oo, inestorbo mo nga ako. Tamad pati ako magtext sa hindi kakilala.
Mat. Musta?
Elaine. Ba't mo ba ako kinukomusta eh hindi nga tayo magkakilala.
Mat. Ganun?
Elaine. Di kinuha mo pala sa cell ng kapatid mo ang numero ko?
Mat. (Magkikibit-balikat, mapagkunwari ang pagsagot.) Oo, kinuha ko. May time ka?
Elaine. Na ano?
Mat. Yayayain sana kita. sa Jolibee lang tayo o kaya sa Chow King.
Elaine. Naku ha! Ni hindi ko gaanong namukhaan ang 'itsura mo, magyayaya ka. Ang ibig mong sabihin magtitiwala ako sa iyo agad.
Mat. At least naman siguro pag nakita mo ako ulit maalala mong 'itsura ng pagmumukha kong ito. At saka ano namang kalapastanganang magagawa ko sa iyo sa mga ganung lugar.
Elaine. O sige, sige. Magaling ka rin lang mangatwiran, na intriga rin lang ako sa pagkatao mo at sa lakas ng loob mo, sige, puede ako. Pero mamaya pa between 2:30 and 3 ako puede bago ako tutuloy sa klase ko.
Mat. 2:30? Ligaw Intsek daw ang ganyang oras ah.
Elaine. Lumiligaw ka na ba sa lagay na yan?
Mat. Hindi pa naman. Ganun ang sabi eh, ligaw Intsek daw kapag ganung oras.
Elaine. Kung ayaw mo ng ganung oras, di h'wag mo.
(Camera kina Elaine at Mat na nasa loob ng Jollibee sa isang pangdalawahang upuan. Sa salamin lamang sila nakikita ngunit, maririnig na ang kanilang pag-uusap.)
Elaine. Belib din naman ako sa lakas ng loob mo.
Mat. Alin yong naglakas-loob akong makigamit ng cell mo gayong hindi naman tayo magkakiala
Elaine. Hmm.
Mat. Natural lang siguro kahit kanino nangyari ang ganun. Kapag ganung kelangang-kelangan, wala nang hiya-hiya pa siguro. Kung aalis pa ako nun sa pila para bumili ng load, masasayang ang itinayo ko roon ng pagkatagal-tagal.
(Ngayo'y malapitan ang tutok ng camera sa kanila dalawa.)
Elaine. Di kinuha mo sa cell ng kapatid mo ang numero ko?
Mat. Parang ganun. Ang totoo ay...
Elaine. ...anong totoo?
Mat. Hindi.
Elaine. Hindi! Ano nga ang totoo?
Mat. Ganun nga.
Elaine. Ano nga?
Mat. Na kinuha ko sa cellphone ng kapatid ko ang numero mo.
Elaine. May duda ako sa sagot mo, tandaan mo?
Mat. Di ako sanay na pinagduduhan ang salita ko.
Elaine. Hindi rin ako sanay na pinaglololoko ako. Baka nagbabalak kang lumigaw, dumiskarke ka lang ng maayos. Yong hindi mo ako sinisilid sa bulsa mo. Yong paniniwalain mo ako ng kung anu-ano. hindi puede sa akin ang ganun.
Mat. Galit ka na n'yan?
Elaine. Wala namang problema sa iyo o sa akin magalit man ako o matuwa ako sa iyo dahil we are strangers, we don't know each other.
Mat. Then let's know each other. Name ko ay Mat -- Mat Ronquillo. Bago ka ba sa university?
Elaine. Sa law first year ko pa ngayon, pero dito ako graduate ng A.B. ko noong isa pang taon.
Mat. Kaya pala parang noon lang kita nakita. Una lang ako sa iyo ng isang taon. Sa ibang university ako graduate ng college -- sa Mindanao. (Maaalala ni Elaine si Cat. May ilang saglit bago magpatuloy ang kanilang pag-uusap.) Bakt?
Elaine. Wala, wala. Sa'n sa Mindanao?
Mat. Sa Xavier sa Cagayan.
Elaine. Dito rin (ituturo ang dagat) sa dagat na ito tumatawid papuntang inyo?
Mat. Oo,
Elaine. Dian? (Sa tonong ibig makatiyak.)
Mat. Puede pero malayo pa ang bibyahiin, walong oras pa. Mayroon direct Cagayan galing Maynila kaya lang tuwing Biernes lang. Ikaw, taga saan ka?
Elaine. Taga Maynila ako.
Mat. E, bakit dito ka nag-college at dito ka nag-law, ang daming university doon.
Elaine. Taga rito ang Mama ko pero andun sila pareho sa Maynila ng Papa ko, umuwi lang ako roon pag bakasyon. Oy, mag-aalas kwatro na, papasok na ako.
Mat. Sabay na tayo.
Elaine. E, di dalian mo na.
Mat. Mahaba-haba pa ang oras ah, at saka ang lapit lang ng school. Sandali na lang 'to, uubosin ko lang 'tong drinks ko. (Pagkatapos ng ilang sandaling pag-aatubili.) Alam mo talaga, yon lang ang naisip kong paraan para makuha ko ang numero mo. sarili kong cell ang tinext ko nung humiram ako ng cell mo. Alam ko bulok na ang style na yon, wala lang talaga akong maisip na ibang paraan.
Elaine. Di nagtapat ka rin.
Mat. Kanina ko pa sana gustong bumigay kaya lang mainit p'ang dugo mo. Baka awayin mo ako, baka pagalitan mo ako, magmukha akong tangah. Sorry, ha, masyado akong pangahas.
Elaine. Talagang mainit ang dugo ko kapag ganun. Pero okay lang, okay na. At least nagsabi ka ng katotohanan. Baka mag-attempt kang manligaw ha, magsasayang ka lang ng oras mo. Halika na't mali-late na ako. Sumabay ka na kung gusto mo.
Sa Department of English and Literature ng unibersidad.
(Manggagaling si Cat sa tanggapan ng Department of English and Literature. Pagkatapos na isa-isang titi'gnan ang kanyang mga classcards noong huli niyang sem sa unibersidan, i-titiklop niya ang mga ito at isisilid sa kanyang bulsa sa likod ng kanyang pantalon. Lalakad siyang papalabas ng tanggapan at sa gusaling Katipunan Hall patungong gate papalabas ng campus. Babaybayin si Cat sa kalye labas na ng campus hanggang sa matanaw niya sa tapat ng gusaling Villareal Hall kung saan nadoon ang Law School ng unibersidad. Tiempo naman papasok sa isa pang gate roon sina Elaine at Mat.)
Mat. Nasa room 321 ako, third floor.
Elaine. (Walang salitang lalabas sa kanyang bibig kundi kibit-balikat.)
(Magmamadaling lalakad si Cat upang mahabol at abutan si Elaine bago ito makapasok sa kanyang klase.)
Cat. Len, sandali.
Elaine. Hmm, buhay ka pa pala!
Cat. Komusta ka na?
Elaine. Ok ka rin ano, kinumusta mo ako. (Napa-iling iling sa galit si Elaine na tititig kay Cat.) Nasaan ba ang mga pangungumusta mong yan, nasaan ba ang mga pangungumusta mong yan noong kailangan kita, nuong kailangang kailangan kita?
Cat. Ewan ko kung uunawain mo ako. Ewan ko kung mauunawaan mo ako.
Elaine. Wala akong dapat unawain sa'yo. 'Etong cellphone ko (Ipamumukha ni Elaine ang kanyang cellphone kay Cat na halos isungalngal na sa bunganga ni Cat.) nagtext ka man lang ba? Hindi! putang ina mo! Halos gusto kong ihampas sa pader itong cellphone kong ito. Kung tinamad kang magtext, tumawag ka man lang sana; nagmiscall ka man lang sana. Ako na ang nagmiscall, unattended ka, pinagtaguan mo ako, buwisit kang putang ina mo ka!
Cat. "Yon nga ang gusto kong ipaliwanag sa iyo at ibig kong unawain mo. Naibenta kong cellphone ka dahil pinang-gastos ko sa sakit ng asawa...
Elaine. Ayon, may asawa ka pala, nagsalita ka rin ng diretsahan na may awawa ka. (Mawawala ang galit ng bahagya) Kung sabagay, sa isang banda, kasalanan ko rin. Hindi ko binusisi ng husto ang pagkatao mo bago ako lubusang nagtiwala sa iyo. Pero hindi 'yon, wala na 'yon. Sana man lamang doon mo ako kinumusta bago mo tuloyang ibinenta ang cellphone mo kahit may asawa kang tao.
Cat. Sino 'yon, 'yong kasama mo?
Elaine. Mas nakabubuti para sa ating h'wag na nating intindihin sinong mga nakakasama natin sa kalye man o saan?
Cat. Ang apartment
Elaine. Binitawan mo na yon, h'wag mo nang pakialaman 'yon. Sa tagal mo ba namang walang communication, unaasa ka pang ikaw pa rin ang ituturing na tenant doon. Sige, papasok na ako. (Aambang lalakad si Elaine; hahadlang si Cat.)
Cat. Kita naman tayo ulit.
Elaine. Kung magkikita pa tayo ng sadya, magtatagpo sa isang lugar tulad ng dati, hindi na puede yon. H'wag mo nang asahan. At kung inaasahan mong kakausapin pa kita tulad nito pag nakikita mo ako sa campus, utang na loob, h'wag mo akong ina-abangabangan pa. Paraanin mo ako't mahuhuli na ako sa klase ko.
Sa apartment na ngayo'y si Elaine na ang nakatira.
(Alas Otso pasado ng gabi, liligid ang camera sa paligid ng apartment, unti-unti itong tututok ng malapitan sa bintana ng silid ni Elaine na nakakurtina ng puting tetoron. Kasalukuyang nakasindi ang ilaw. Maririnig ng mahina ang lagitgit ng duyang kawayan na patigil na ang ugoy. mamatay ang ilaw sa kisame, saglit na didilim atsaka papalit ang ilaw ng simpleng lampshade na nasa isang sulok ng silid. Mag-iiba ang kulay ng kurtina sa pagpalit ng liwanag mula sa flourescent tungo sa bombilyang de-kinse ng lampshade. Aalun-alon ang anino ng duyan sa puting kurtina habang ini-ihip-ihipan ng hangin ng bentilador sa isa pang sulok ng silid.)
(Lipat ang tutok ng camera kay Cat na nakamasid sa tanawing iyon sa labas ng apartment. Unti-unting close up sa kanyang mukha ng patagilid habang tinatanaw ang bintana hanggang sa mababaling ang kanyang paningin sa paghinto ng isang traisikel di kalayuan sa kanyang kinatatayuan. Bababa si Elaine, maiiwang lulan si Mat, lilingonin ni Elaine ang traisikel pag-alis nito.)
Cat. Sandali naman Len. (Tangkang hindi papansinin ni Elaine si Cat. Patuloy ito sa paglalakad, hahadlang si Cat.) Bigyan mo lang ako ng pagkakataong magpaliwanag. Ito, itong pagkakataong ito; itong sandaling ito. Hayaan mo naman sana akong makapagpaliwanag at pagkatapos ay hinding hindi mo ako makikita pang muli. Hindi ako maaring naroroon sa dalawang lugar sa isang pagkakataon. At kung hindi ko nagawang magsalita ng diretsahan kung 'yon man ang naging problema ko sa'yo -- ang tungkol sa pagkatao ko, yon ay dahil ayokong lalayo ka, ayokong mawala ka sa akin. Hindi sa gusto kitang linlangin...
Elaine. Hmm!
Cat. ...dahil natotohan kitang mahalin ng husto. Nalalaman kong hindi katanggap-tanggap at walang puwang sa isang relasyon ang pagtatago ng katotohanan at paglilihim ko ng tunay kong pagkatao. Nalalaman kong para na rin akong nagsisinungaling na hindi binunyag sa iyo ano talaga ako. Ngunit 'yon lang talaga ang inaakala kong tamang paraang h'wag mo lang akong lalayuan. Habang lumaon nang lumaon ay natotohan kitang mahalin ng lubos. Ngayon kung wala na talagang p'wang dian sa iyong puso at isipan ang unawain ako, tatanggapin kong ito na nga ang huli nating pagkikita. (Tatanawin ni Cat ang anino na bintana; maging si Elaine ay mapapatanaw din sa bintana) Maari ko ba siyang makita, mapagmasdan kahit sandali?
(Lalakad si Elaine, tutungohin ang pinto, maka-ilang hakbang bago niya lilingonin ng kapiraso si Cat. Bago mapasarhan ng pinto ay naihararang ni Cat ang kanyang katawan sa pinto. Susundan ni Cat si Elaine sa hagdan. Ilalapag ni Elaine ang kanyang dala-dalang gamit sa paanan ng nakasinding lampshade habang tutungohin ni Cat ang sanggol sa duyan. Ihahawak ni Cat ang kanyang mga kamay sa dalawang lubid na siyang pinagkabitan ng komot upang maging duyan. Unti-unting mapapaluhod si Cat upang mapagmasdan ang sanggol ng malapitan. Pagkatapos ng ilang sandali ay tatayo ito at tutungohin ang pinto ng silid upang lumabas at lumisan. Ngunit bago siya makalalabas ay aakap sa kanyang baywang si Elaine upang siya'y pigilan.)
Elaine. Dito ka na Cat, h'wag ka nang aalis.
(Dahan-dahang iikot si Cat upang harapin si Elaine saka ito yayakapin ng bigla at mahigpit. Isusubsob ni Elaine ang kanyang mukha sa dibdib ni Cat. Lalagitgit ng mahina ang duyan sa pag-unat ng sanggol ng kanyang katawan.
Cat. Si baby...
Elaine. ...Houriea.
Cat. Yan bang name n'ya?
Elaine. Oo.
Cat. Gandang name n'yan ah! May meaning? May hidden meaning?
Elaine. Oo, anghel.
Cat. Papanong...? (Saglit na maiisip ang kahulugan.) Aba o. Ayos ka ring mag-isip ng pangalan ha.
(Pareho nilang tutungohin ang duyan, isusubo ni Cat ang chopon na nasa tabi lamang nito sa duyan, pahahawakan sa dalawang kamay at sa pagpikit muli ng mga mata ng sanggol, magyayakap muli ang dalawa at maglalapat ang kanilang mga labi.)
(Lipat ang tutok ng camera sa bintana ng apartment at sa mga aninong aalun-alon sa kurtina.

No comments: